Ichtus Odyssey
“Row, Row, Row your boat gently down the stream, merrily, merrily life is but a dream”
Parang ganito ko maiikumpara ang buhay ko dito sa loob ng seminaryo, pero imbis na “stream” isang pag lalayag sa mapanglaw na dagat patungo sa di natin malaman. At syempre kasama mong sumasagwan sa bangka ang mga taong kasabay mong pumalaot.
Sa mahigit na apat na taon kong pagsasagwan eh masasabi ko na di naging “smooth sailing” ang aming byahe.
Eleven kami na dapat susuong sa laot pero sa pampang pa lang eh may nagback-out na. Sampu kaming nag-umpisa. Ang kasama ko sa bangka eh masasabi ko na talagang ibang breed. Sa simula pa lang kasi eh makikita mo na agad ang biyak s gitna. Lima kaming teenager noon at lima din ang sabihin na nating may edad na…mga 20 something. Mahirap din, kasi may age gap at generation gap. Medyo mahirap makitungo pero unti-unti ko ng nakasanayan ang makisalamuha sa mga nakakatatanda kong kabatch. Kaso pagkatapos ng mahigit isang buwan, sumungit ang dagat. Nangalit ang langit, kulog kidlat, ulang malakas…
“And it huffed and puffed and blew our boat down…”
Biglang may sumigaw: “The boat is sinking, group yourself into 9!”
Mabuti na lang isa lang ang casualty, sayang kababayan ko pa naman. Masyado kasing matapang medyo lumobo ang ulo ayun, hinangin, tinangay ng dagat. Akala niya ata kaya niya ang galit ng dagat, nung huli, siya din ang sumuko. Huli kong balita sa kanya, inaanod pa din daw hanggang ngayon.
Lumipas ang ilan pang buwan eh may nagbabadyang tumalon. Noong una ay nakakalma pa namin. Napapasaya pero nung huli noong di kami nakatingin, bigla ulit may sumigaw:
“The boat is sinking, group yourself into 8!”
Kaya pala, may isa pa lang kusa ng tumalon sa dagat. Napagod ata magsagwan o baka nagsawa na din, di ko talaga alam, siguro di talaga siya sana’y magsagwan kasi dati, may sarili siyang tagasagwan, di na siya namomroblema. Sayang kaclose ko pa naman yun.
Walo kaming natira at unti-unti na kaming nasasanay sa isa’t-isa, matatapos na sana ang taon ngunit bigla ulit sumungit ang dagat. Nangalit ang langit, kulog kidlat, ulang malakas…
“And it huffed and puffed and blew our boat down…”
Biglang may sumigaw: “The boat is sinking, group yourself into 6!”
Dalawa naman ngayon pero ang ineexpect ko isa lang, isa lang kasi talaga ang tinulak namin sa dagat. Hindi na kasi talaga maganda ang ginagawa niya. Kaya’t nagpulong kami para siya ay paalisin na. at pinagsamasama nga naming pito ang lakas namin at tinulak siya sa dagat pero bago siya kainin ng dagat isang nangangalit na banta ang kanyang pinakawalan: “Makikita niyo, bubuo ako ng sarili kong bangka! Hindi lang bangka! Isang barko!” pero sa totoo lang, sa tingin ko talaga ay nahihibang na siya at iba talaga ang motibo niya. Napansin ko na mas mabilis siyang lumubog siguro dahil sa alsa balutan niyang dala-dala, pero teka alam ko wala naman siyang masyadong dala noong kami eh lumaot. Anyway, bigla na lang, noong di pa kami nakakahinga eh may hinablot pa ang dagat sa amin! Nahuli kasi siya ng dagat na kung ano-ano ang ginagawa, at noong minsan pa eh nahuli siya ng isang sirena na pumupuslit para makakuha ng perlas sa dagat. Akala ko makakalusot siya kaso mali pala ako.
Anim kami noong magpalit kami ng bangka. Mas matibay na to, ang isip-isip ko. Pero mali nanaman ako makalipas ang kalahating taon ng pamamalaot eh narinig ko nanaman ang kinakatakutan kong boses.
“The boat is sinking, group yourself into 5!”
Hindi naman siya kinain ng dagat, sa totoo lang nakita ko pa nga siyang lumalangoy kasama ng mga syokoy. Sabi ko na nga ba, noong umpisa pa lang eh naamoy na namin na malansa siya pero nasanay din kami sa kanya sa totoo lang, tanggap na nga namin siya eh! Kaso un ung ang happiness niya eh. Kaya ok na rin siguro yun.
Matagal-tagal din naging panatag ang dagat at matagal-tagal din kami natahimik at nag concentrate sa pagsasagwan nakapagpalit pa nga ulit kami ng bangka. Di namin napapansin na 4 na lang pala talaga kaming sumasagwan, yung isa nakapulot ng laruan at nakalimutan na ang sarili, nakalimutan ang dagat, kami at ang mundo at nakalimutan ding maligo ng maayos. Ito kasi ang pilosopiya niya: “Kung ang kambing nga di naliligo, mahal ng Diyos, ang tao pa kaya?” Siguro di lang Hygiene ang nakalimutan niya pati siguro ang direksyon ng buhay niya, kaya’t noong huli eh narinig ko nanaman ang kinakatakutan kong boses.
“The boat is sinking, group yourself into 4!”
Tumalon na din pala siya, kasi ilang beses na siyang napagbantaan ng dagat. Nagkatinginan kaming apat. Nangiti at unti-unting bumuo ng pananggalang, simula noon, kahit anong bagyo, ihip ng hangin, oh kahit ano pang ibato sa amin eh wala ng nagawa. Matagal-tagal din kaming napanatag at bumuo ng mga pangarap sa ilalim ng matibay naming bangka. Kaso, isang gabi, nagulat kami, tumayo ang isa, parang kinulam, hanggang batok ang ngiti. “Brad pakinggan mo, ang sarap-sarap pakinggan noong kumakanta.” Wala pang ilang saglit eh narinig ko na naman ang boses na noon ay akala ko ay di ko na muling maririnig:
“The boat is sinking, group yourself into 3!”
Pag dungaw ko sa dagat ay lumalangoy na siya akay-akay ng isang mabining sirena. Marami-rami din kaming inihagis na salbabida, mahahabang tali pero di niya yon pinansin. Pag sipat ko sa kanya, nakita ko sa mata niya ang tunay na kaligayahan, nagpabaya na ako kasi alam ko masaya na siya. Matagal din akong nalungkot at nanibago pero ganoon talaga, yoon ang mapait na katotohanan.
Ganoon kasi ang buhay natin. Ilang bangka, ilang mananagwan, inaalagaan ang bawat isa. Hindi sa nananakot ako pero ganito ang pinasok natin. Isang lingat at baka kulang na ang bangka natin ng isa. Mahirap magpaalam pero kailangan ulit bumangon at sumagwan, lahat ay nangangailangan ng suporta, lahat ay nanghihina, sana ay maging lahat para sa lahat upang masagip lahat.
Sa mahigit apat na taon kong paglalayag ay taon-taon akong nakakakita ng mga “casualty.” Sa mga sarili nating bangka ay meron at merong mapaghihinaan ng loob at nasa ating mga kasama niya kung paano natin siya sasagipin, siguro pwede mong bigyan ng salbabida, life vest, pwede mo ring turuang lumangoy para pag nalaglag ay makakabalik pero pag wala na talaga, pwede mo din sigurong i-mouth to mouth.
Kayo? Anong gagawin niyo pag may sumigaw ng:
“The boat is sinking, group yourself into . . .”

