Ok class… sa susunod na mga araw ay tatanungin ko kaya. Randomly! Wag kayong mag alala, hindi ito base sa mga lesson natin. Isa lang ang tanong at ito yun. “Bakit ka ba nag-aaral?” Ito ang banta ng aming teacher na sa unang tingin ay akala mo ay lalaki pero babae pala. Mandy ang binansag sa kanya, short for mandirigma, no match si yaya kung mag rarumble man sila. Inaantok pa siguro ako noon, kaya di ako masyadong naintimidate. Lumipas ang mga araw at nagsimula na nga ang mga katanungan. Nandiyan ang mga sagot ng kaklase ko, na halatang nambobola, nang uuto para pumasa. Andiyan ang mga banat na “I grew up, with poverty written all over myself, it has always been my driving force to study, I want to give my family a good life. That is my reason for studying.” Halatang pambobola, kaya agad naming itong babarahin ng aming butihing guro. Laging napapahiya ang mga kakalase ko. Wala pa siyang pinapalagpas. Noong minsan habang masarap pero patago ang pagkain ko at ng barkada sa likod ng classroom eh, bigla-bigla na lang akong tinawag. “Amiel! I want to know why do you study??” Nako po, its my time to shine pero wala talaga akong napaghandaan. Blanko. Di ko na nanguya ang pandesal na kinakain ko at agad na kong tumayo.
“Aaah, mam kasi ano. Yung ano kasi ay ano.”
“Ano yun Amiel?”
Nakangiti na siya, mukang talo ata ako. Naisambulat ko na lang habang nag babugdown ang ulo ay: “Eh kasi mam kailangan.”
“Kailangan?! So you mean you are just forced to study? Because it is needed?”
“Ah mam di naman lahat ng kailangan ay di gusto.” Buong tapang at pilosopo ko siyang sinagot. Mejo nakikita ko na ang ugat ng leeg niya, siguro sa galit kasi pilosopo ako at halatang nang aasar. Hinihintay ko na lang siyang sumigaw ng this is Sparta!! Sabay sipa!
Totoo naman kasi na kailangan nating mag-aral. Totoo din na obligasyon at karapatan nating mag-aral. Totoo na kakambal na natin ang salitang kamangmangan. At nasa sa atin din kung paano natin pupunan ang ating innate na kamangmangan. Mahirap pero kailangan.
Madalas na kalaban ko ang utak ko pag pinipilit kong ipaintindi ang mga bagay na alam niya na di naman namin kailangan. Pilit nag rarason. Eh bakit sasabihin ba sayo ng mag iisaw na ang sukli mo ay ang cosci ng 4 divided by the cube root of 3.56?? hindi naman ah? Tatanungin ka ba ni san pedro kapag umakyat ka sa langit kung ano ang natutunan mo sa calculus? O kaya ay bakit polar ang phosphorus trichloride? Requirements na ba yan ngayon kapag papasok ka sa langit? Tama nga naman pero mali pa din. Lahat naman tayo dadaan sa ganito. Nasa sayo kung paano mo lulusutan.
Hindi lang naman puro aral ang kasama ng salitang acads. Nandito din ang mga masasaya, malulungkot at madudugong cramming. Andiyan ang saya kapag sinabi na absent ang teacher, walang pasok, may pakain si mam, kakaibang discussions, fieldtrips, masilayan ang mga tao sa labas, at kung ano-ano pa. hindi ka buo kung di mo to naexperience, kulang at di sapat ang buhay mo bilang estudyante. At bilang isang Estudyanteng seminarista ay kinakailangan nating pag-igihan, kung gusto pa natin na magtagal dito sa loob. Susunod na ang lahat kapag nakapag dasal ka at nakapasa sa acads. Posible at kaya. Nasa sayo din kung papaano mo lalabanan ang mahiwagang katamaran. Enjoy lang kapatid, may panahon para mag cramming, magpakahenyo, magpakatamad, at higit sa lahat magpakasaya.
Ang pag-aaral ay parang isang kusina, ikaw ang nagluluto, napag-aralan mo ang rekado. Paghahaluin mo ang lahat ng gusto mong paghaluin. Bahala ka. Buhay at potahe mo ang lulutuin mo, alalahanin mo lang na di lang ikaw ang kakain, maaring may makisalo habang nagbibigay ka ng pagkain mula sa pulpito, o bilang haligi ng isang bahay. Tandaan mo din na hindi lang sa hotdog at itlog nabubuhay ang tao. Kaya, maghanda na tayo mga kapatid, madami pa tayong papakainin.












